Karapatan ni Sereno binalewala ng Kamara ayon sa kampo ng Chief Justice

Inquirer file photo

Ikinalungkot ng kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pagbasura ng House Justice Committee sa kanilang hirit na magkaroon ng mga kinatawan na abogado ang Punong Mahistrado sa impeachment hearing.

Sinabi ni Atty. Josa Deinla, tagapagsalita ni Sereno na pinagkaitan ng kanyang basic constitutional rights ang mismong Chief Justice.

Ito ay makaraang ibasura ng komite sa botong 30-4 ang kahilingan ni Sereno na hayaan na lamang ang kanyang mga abogado na siyang maging kinatawan niya sa pagdinig sa Kamara.

Ayon kay Deinla, naniniwala pa rin si Sereno na hindi tuluyang mababalewala ang kanilang hiling sa komite ito ay sa pamamagitan ng legal remedies na inihahanda na ng kanilang kampo sa kasalukuyan.

Ipinagtataka rin ng kampo ni Sereno kung bakit kailangan pang pagtalunan kung may karapatan ba ang kampo ng Punong Mahistrado na isailalim sa cross examination ang mga complainants.

Nanindigan rin si Sereno na ang impeachment hearing ay dapat itulad sa isang ordinaryong criminal trial kung saan ay pinapayagan ang pag-direct at cross examination sa mga inihaharap na saksi o nagrereklamo.

Read more...