AFP inalerto na ni Duterte sa pakikipaglaban sa CPP-NPA
Kahapon ay opisyal nang pinutol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang uri ng komunikasyon sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga sugatang sundalo sa Philippine Army Hospital sa Taguig City, sinabi ng pangulo na hindi na itutuloy ang peace talks dahil sa ginagawang pananabotahe ng mga komunista sa usapang pangkapayapaan.
“Walang ginawa itong mga komunistang ito kundi lumusob sa mga tao ng gobyerno”, ayon sa pangulo.
Masyado umanong maraming hinihinging kapalit ang mga negosyador na nasa Netherlands kaya tama lang na huwag nang ituloy ang peace talks.
Tiniyak rin niya sa harap ng mga kawal na titiyakin niyang mga bago ang mga baril at mga military hardware para sa Armed Forces of the Philippines.
“Marami ang nakikinabang sa mga segunda-manong gamit kaya namamatay ang mga sundalo”, dagdag pa ng pangulo.
Pinayuhan rin ng pangulo ang mga sundalo na maging alerto dahil tiyak na gaganti ang mga ito ngayong pinutol na niya ang peace talks.
Ayon pa kay Duterte, “Tutal sinasabi ninyong Amboy ako…Duterte pasista…so be it sige magwala na kayo”.
Sinabi rin ng pangulo na ang mga aarestuhin ang mga nasa likod ng pangingikil ng mga komunista na kadalasang ginagawa ng mga legal fronts organization nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.