CHR hinamon ng Malacañang na imbestigahan rin ang Maute group

Radyo Inquirer

Hinamon ng Palasyo ng Malacañang si Commission on Human Rights Commissioner Roberto Cadiz na pangalanan ang mga abogadong kumukutya sa rule of law at human rights sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sa halip na batikusin ang mga abogado ay mas makabubuti na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga ginawang pang-aabuso ng teroristang Maute group sa Marawi City.

Ayon kay Roque, magtutungo siya bukas sa Marawi City para mangalap ng impormasyon na gagamitin sa pagsasampa ng kaso sa mga miyembro ng Maute group dahil sa war crimes sa ilalim ng International Humanitarian Law batay sa Geneva Convention.

Sinabi pa ni Roque na ang Malacañang na ang gagawa ng hakbang dahil tiyak naman na hindi makatutulong ang CHR na bigyan ng hustisya ang mga nabiktima ng Maute group matapos ang limang buwang pakikipag giyera sa Marawi City.

Iginiit pa ni Roque na noon pa man, tanging ang mga kamalian lamang ng mga state agents ang iniimbestigahan ng CHR at hindi sa pangkalahatang estado ng mga biktima ng karahasan.

Malinaw aniya na mali ang ginagawa ng CHR dahil batay sa international humanitarian law, binibigyang parusa ang mga non-state actors o hindi ang mga tauhan ng gobyerno.

Sinabi pa ni Roque na kung pag-aaralan ng husto ang mga kasong isinampa sa International Criminal Court, mayorsa sa mga naakusahan ay hindi mga tauhan ng gobyerno kundi ang mga indibidwal na nang aabuso.

Iginiit pa ni Roque na mahalaga na may maparusahan sa nangyaring giyera sa Marawi City dahil hindi biro ang naging pinsala ng mga terorista sa mga ordinaryong mamayan ng naturang lungsod.

Read more...