Inaresto ang labindalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa isang checkpoint sa Batangas.
Ayon kay Army 2nd Infantry Division spokesperson Melchor Durante, pinara ng mga otoridad ang isang jeepney na sakay ang mga umano’y miyembro ng NPA bandang alas 10:00 ng umaga.
Bago aniya ito, naka-engkwentro pa ng militar ang nasabing mga rebelde sa Barangay Utod, sa bayan ng Nasugbu, alas 8:00 ng umaga.
Ani Durante, sasampahan nila ng kaukulang kaso ang nasabing mga indibiduwal sakaling maberipika na mga miyembro ng NPA.
Ngayon aniya ay nasa kustodiya na ng PNP Nasugbu ang mga rebelde.
Sinabi ni 202 Infantry Brigade commander Brig. Gen. Arnulfo Burgos na nagpatupad ng checkpoint para mapigilan ang mga terorista na makatakas mula sa pinangyarihan ng engkwentro.