Ex-DDB chair Santiago, itinanggi ang paratang ng ‘junket’ trip at libreng bahay mula sa drug lord
Mariing itinanggi ni dating Dangerous Drugs Board Chairman Dionisio Santiago ang mga alegasyon mula sa Malacañang na umano’y bumibiyahe ito sa labas ng bansa nang walang kaukulang pahintulot mula sa pamahalaan.
Sa isang panayam, iginiit ni Santiago na lehitimo ang lahat ng kanyang biyahe palabas ng bansa.
Saklaw rin aniya ng travel authority ang kanyang mga biyahe, partikular ang kanyang pagtungo sa Vienna, Austria na kinukuwestyon umano ng mga nagpakilalang miyembro ng DDB Employees Union.
Wala rin aniyang katotohanan na tumanggap siya ng malaking halaga ng pera at bahay mula sa drug lord na si Ozamiz City mayor Reynaldo Parojinog Sr.
Giit nito, maaring ibang Santiago ang tinutukoy sa liham na ipinarating umano ng employees union sa Malakanyang.
Una rito, isiniwalat ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi lang ang naging ‘mistake’ statement ni Santiago hinggil sa mega drug rehab facility sa Nueva Ecija ang dahilan kung bakit ito sinibak sa puwesto.
Lumitaw aniya sa tinanggap nilang liham mula sa nagpapakilalang mga miyembro ng DDB-Employees Union na makailang ulit na bumiyahe abroad ang dating opisyal kasama pa ang ilang ‘paborito’ nitong tauhan.
Gayunman, mariing itinatanggi ng pamunuan ng DDB Employees Union na sa kanila nagmula ang naturang liham.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.