Naglalayon din ang nasabing panukala na masolusyunan ang suliranin ng kakulangan ng doktor sa bansa.
Bumoto pabor sa panukala ang 223 na mambabatas at walang ni isang hindi pumabor dito at nag-abstain.
Mandato sa nasabing pagkakaloob ng medical scholarship sa mga karapatdapat na mag-aaral sa state universities and colleges (SUCs) at maging sa private higher institutions sa mga rehiyon kung saan walang iniaalok na kursong medisina ang mga SUC.
Kabilang sa mga aayudahan ng nasabing scholarship ay ang tuition at iba pang school fees, mga libro, kagamitan, uniform, accommodation, transportation allowance, internship fees, medical board review fees, medical insurance at iba pang mga kakailanganin ng estudyante.
Kasama rin sa panukala ang return service program kung saan kailangang sumailalim ang mga mapalad na estudyanteng iskolar sa post-graduate internship sa isang DOH-accredited na pampublikong pagamutan oras na makatapos sa apat na taong Doctor of Medicine program.
Kailangan din nilang mag-lingkod sa government public office o kaya ay government hospital sa kaniyang pinagmulang munisipalidad o lalawigan sa loob ng walong taon, o dalawang taong katumbas ng bawat taong sila ay naging iskolar.
Maliban dito, kailangan ding matapos sa loob ng sampung taon ang kanilang return service oras na matapos ang internship kung apat na taong programa ang kanilang kinuha, at 12 taon naman kung sa limang taong programa sila naging iskolar.
Oras na tumanggi o mabigo ang iskolar na maglingkod sa gobyerno, kailangan niyang doblehin ang bayad sa ginastos sa kaniya ng pamahalaan sa kaniyang scholarship at iba pang gastusin sa buong panahon na siya ay nag-aral.