Inamin ni Manila Vice Mayor Francisco Domagoso, mas kilala bilang “Isko Moreno” na may ambisyon rin siyang maglingkod sa lungsod bilang alkalde, ngunit mayroon siyang isinasaalang-alang kaya siya ay alangan na ituloy ito.
Nais man niyang patuloy na maglinkod sa mga Manilenyo, nabatid kasi ni Domagoso na hindi naging maganda ang idinulot ng aniya’y “political indifferences” noon sa lokal na pamahalaan.
Sakali kasing ituloy niya ang kaniyang ambisyon, kaniyang kinakatakot na mangyari ay ang magkawatak-watak ang kasalukuyang konseho na batid niyang mas maayos at nagkakasundo sa mga mithiin para sa lungsod.
Kung ganito rin lang aniya ang mangyayari ay magpaparaya na lamang siya kay Mayor Joseph “Erap” Estrada na nauna nang nagpahiwatig ng kaniyang intensyon na tumakbo para sa kaniyang ikalawang termino bilang alkalde sa 2016 elections.
Ani Isko, pareho rin naman sila ng mga adhikain ni Estrada para sa lungsod at ayaw na niyang maputol pa ang magandang reporma na iniimplementa ng kasalukuyang alkalde.
Pabiro namang sinabi ng Vice Mayor na sa susunod na taon ay maaari naman siyang mag-PMA muna o “Pahinga Muna, Anak” bilang marami pa namang ibang panahon ang nakalaan sa kaniya dahil 40 anyos pa lang naman siya.