Hindi pa man lubos na natatapos ang araw ng Lunes, halos 600 na ang naaresto kasabay nang mahigpit na pagpapatupad ng Yellow o Bus Lane sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni Bong Nebrija, operations supervisor ng MMDA, kasama sa kanilang mga hinuli ay ang mga lumabag sa number coding scheme at letter coding sa mga bus.
Makapananghalian, nasa 585 na ang naaresto ng traffic constables ng MMDA.
Ayon kay Nebrija, mahigpit ang bilin sa kanilang mga tauhan na wala silang sisinuhin at wala silang sasantuhin, maging mga opisyal ng gobyerno at alagad ng batas.
Sa Guadalupe, Makati City, na isa sa mga itinuturing na choke point ng EDSA lalo na tuwing rush hour, kapansin-pansin na bumilis ang daloy ng mga sasakyan na isang tanawin na masusumpungan lang tuwing weekend o holiday.
Ngunit kung ginhawa ang idinulot nito sa mga motorista, kalbaryo naman para sa mga pasahero ng mga bus na kinailangan maglakad ng ilan daan metro dahil inilagpas sila sa dapat na kanilang bababaan.