Suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang balak ng Malacañang na ideklarang teroristang grupo ang New People’s Army.
Ayon kay Maj. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, malinaw na terror attack ang ginagawa ng mga NPA members sa mga lalawigan na paninira ng ari-arian ng mga sibilyan at pangingikil ng mga ito.
Kasado na rin umano ang pagpapadala sa lima sa sampung batalyon ng sundalo na ide-deploy sa iba’t ibang mga lugar sa bansa para labanan ang mga NPA.
Matatandaang ipinatigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace-talks ng gobyerno sa mga NPA dahil sa patuloy pa ring paghahasik ng kaguluhan sa mga lalawigan sa kabila ng pakikipag-negosasyon ng pamahalaan.
Noong Sabado ay sinabi ng pangulo na hindi na niya itutuloy ang peace talks sa komunistang grupo.