Pagtaas ng ratings ni Pangulong Aquino, makabubuti sa kandidatura ni Roxas

aquino-roxas-1005Inaasahang makabubuti ang pagtaas ng satisfaction rating ni Pangulong Benigno Aquino III ang kandidatura ni dating Interior and Local Government Sec. Mar Roxas.

Ayon sa tagapagsalita ng Liberal Party na si Eastern Samar Rep. Ben Evardone, may magandang epekto ang endorsement ng Pangulo na may mataas na satisfaction rating sa isang kandidato na tatakbo bilang susunod na presidente.

Matatandaang 64% sa 1,200 katao sa buong bansa ang lumabas na kuntento o “satisfied” sa performance ng Pangulo ayon sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Sa kabilang banda, 22% naman sa mga ito ang nagsabing sila ay “dissatisfied” o hindi kuntento, at 14% ang “undecided” o hindi sigurado.

Dahil dito tumaas ng 11 puntos ang kaniyang net satisfaction rating na ngayon ay +41 na mula sa +30 noong Hunyo.

Ani Evardone, malaki ang epekto nito sa pagpili ng mga botante sa kung sino ang kanilang ibobotong susunod na presidente ng bansa.

Ito rin aniya ay isang patunay na suportado ng publiko ang daang matuwid ng kaniyang pamahalaan, at na naniniwala ang mga tao sa mga programa ng pangulo.

Dahil dito, malugod namang nagpapasalamat ang Malacañang sa kanilng mga “boss” o sa mga mamamayang Pilipino.

Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., ito ay malinaw na senyales na kumpyansa ang publiko na nararamdaman nila ang magandang reporma na itinataguyod ng administrasyong Aquino.

Read more...