Reklamong katiwalian at paglabag sa procurement law ng gobyerno ang inihain ng iba’t ibang mga grupo laban sa mga dating opisyal ng DOTC at BURI sa Office of the Ombudsman.
Nagtungo sa tanggapan ng anti-graft body sina BAYAN Secretary Renato Reyes, Bayanmuna Chairman Neri Colmenares at mga kinatawan ng grupong TREN at AGHAM, dala-dala ang napakaraming kahon ng mga ebidensya at dokumento laban sa mga respondent.
Kabilang sa kinasuhan si dating DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, dating MRT General Manager Roman Buenafe, dating Usec. Rene Limcauco at iba pang mga opisyal na sangkot umano sa kwestyonableng pag-apruba sa kontrata sa BURI para sa maintenance ng MRT-3.
Ayon kay Reyes, ang halagang pinag-uusapan sa reklamo ay aabot sa P3.8 billion na anila’y panlalamang sa publiko, lalo na sa mga pasahero ng MRT-3.
Naniniwala si Reyes na may pinaboran at may kumita habang milyun-milyon ang nagdurusa, nang dahil sa pag-award ng nuo’y DOTC ng kontrata sa BURI.
Hanggang ngayon aniya ay ramdam ng mga tax payer na mga pasahero ang resulta ng kwestyonableng kontrata, lalo’t patuloy ang aberya sa mga tren ng MRT-3.
Umaasa naman si Reyes na maging babala ang kanilang reklamonsa DOTr na huwag na huwag papaburan ang anumang kumpanya para sa maintenance at operasyon ng MRT-3, at hindi rin aniya dapat tiginang solusyon ang privatization.
Reklamong graft at paglabag sa gov’t procurement law ang inihain ng BAYAN, Bayanmuna, TREN et al @OmbudsmanPh vs dating DOTC officials at BURI. @dzIQ990 pic.twitter.com/mDxviaEIZ1
— Isa Avendaño-Umali (@isaavendanoDZIQ) November 20, 2017