Walang Caucasians sa Oplan Exodus ayon kay Pangulong Aquino

By Alvin Barcelona, Kathleen Betina Aenlle September 18, 2015 - 04:27 AM

pnoy-aquinoNanindigan si Pangulong Benigno Aquino III na walang Caucasian o dayuhang operatiba ang kasama sa operasyon ng PNP Special Action Force na siyang dahilan ng pagkamatay ng teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao.

Ginawa ni Pangulo Aquino ang paglilinaw matapos na kumalat ang mga alegasyon na Amerikano o Briton ang kabilang sa mga namatay sa Mamasapano.

Giit ng Pangulo, walang kasamang dayuhan ang SAF sa kanilang operasyon base sa nakuha niyang impormasyon sa mga ahensya ng pamahalaan.

Kaugnay nito, hinamon ng Pangulo ang mga nagpapakalat ng nasabing impormasyon na tinukoy niya bilang “kuwentong kutsero”, na patunayan ang mga alegasyon.

Dagdag pa ng Pangulo, bawal sa saligang batas ang pagsama ng foreign troops sa mga operasyon sa bansa at obligasyon ng SAF na arestuhin ang sinumang magpupumilit na sumama.

Sa kaniyang isinagawang national address, ipinakita ni Aquino ang tatlong larawang aniya’y nakapag-kumbinse sa kaniya na ang mga SAF nga talaga ang matagumpay na nakapatay kay Marwan. Ang mga litrato ay authenticated ng National Bureau of Investigation (NBI) cybercrime division.

Ayon naman kay Justice Secretary Leila de Lima, nakahanap ng “closure” ang pamahalaan sa huling report hinggil sa totoong pumatay kay Marwan.

Tumanggi namang magkomento si de Lima nang tanungin siya kung mayroon pa ba silang ibang lead ang pamahalaan maliban sa mga litratong kanilang hawak dahil wala aniya siyang kalayaan na magsalita ukol dito.

Iginiit rin ni Pangulong Aquino na ang mararahil na nasa likod ng mga lumabas na “alternative versions” ng mga kaganapan ay iyong mga naghahabol sa $5 milyong pabuya ng pamahalaang Amerika.

Samantala, 90 katao ang kakasuhan ng pamahalaan dahil sa pagpatay sa mga miyembro ng 55th Special Action Company ng PNP-SAF sa Mamasapano.

Ngayong tapos na ang usapin ng alternative version, marapat lang aniya na umusad na ang paghahanap ng katarungan lalo na para sa mga nasawi.

Nilinaw ni pangulo na hindi kasama sa nabanggit niyang kakasuhan si dating PNP Special Action Force Chief Getulio Napenas.

Aniya ang 90 na pahaharapin nila sa patas at masinsing proseso ay mga direktang may kinalaman sa pagpaslang sa mga miyembro ng saf.

Ayon naman kay de Lima sa 90 na kakasuhan, 26 dito ang tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), 12 mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at ang natitira ay mga miyembro ng private armed groups at mga kaalyado nitong grupo.

TAGS: mamasapano encounter, pangulong aquino, SAF44, mamasapano encounter, pangulong aquino, SAF44

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.