Dalawa ang nasawi at tatlo ang nasugatan sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City.
Sa Commonwealth Avenue kanto ng Batasan Hills, bago mag alas 3:00 ng madaling araw ng Lunes, November 20, nasawi ang isang lalaki sa pamamaril.
Ayon kay Mang Forperio De Leon ng Brgy. Batasan Hills, may nagsabi sa kanila na isang residente na may pinagbabaril na lalaki sa lugar kaya’t pinuntahan nila ito.
Narinig din nito ang sunud sunod na putok ng baril.
Limang basyo ng hindi pa matukoy na uri ng baril ang natagpuan ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen.
Inaalam pa ng mga otoridad kung may kinalaman sa iligal na droga ang naturang pamamaslang.
Samantala, patay din ang isang lalaki matapos pagbabarilin habang nakikipag-inuman sa Kasunduan Extension, Brgy. Commonwealth.
Kinilala ang biktima na si Ronilo Emeterio, 31-anyos.
Kwento ng mga kapitbahay, nakikipag-inuman lang sa kanyang mga kaibigan ang biktima sa Kasunduan Extension nang dumating ang mga salarin at ilang beses itong pinaputukan.
Nadamay at nasugatan sa pamamaril ang dalawa niyang kaibigan at maging ang isang pitong taong gulang na bata na natutulog lang sa tindahan.
Patuloy na inaalam ang motibo sa pamamaril.