Natagpuang putol na paa, walang foul play

 

Nilinaw ng Bulacan Police Office na hindi nanggaling sa isang murder case ang natagpuang putol na paa sa isang construction site sa likod ng Bulacan Capitol.

Unang lumabas ang balita tungkol sa putol na paa matapos kumalat ang litrato nito sa social media.

Mayroong mga netizens na naghinalang posibleng resulta ng brutal na pamamaslang ang naputol na paa.

Ngunit matapos siyasatin ng mga otoridad ay napag-alaman na nanggaling pala ito sa isang pasyenteng inoperahan dahil sa komplikasyon ng diabetes.

Ayon kay Bulacan police director, Senior Superintendent Romeo Caramat Jr., isang Gregorio Evangelista, animnaput walong taong gulang ang nagpa-opera sa Bulacan Medical Center.

Ayon kay Leticia Hilario, hospital administrator ng BMC, standard operating procedure ng kanilang pamunuan na ibigay sa mga kamag-anak ang mga naputol na bahagi ng katawan ng kanilang pasyente at sila na ang bahalang magdesisyon sa kung ano man ang gagawin dito.

Ayon sa asawa ni Evangelista na si Mercedez, ibinigay ang kahong naglalaman ng putol na paa sa kanyang anak at laking gulat na lamang niya nang malamang iniwan na ito sa construction site.

Wala namang mananagot para sa iniwang naputol na paa na dinala na sa Superior Funeral Homes sa bayan ng Plaridel.

Read more...