Limang libong sako ng smuggled na bigas, nasabat sa Davao del Norte
Kumpiskado ng Philippine Navy ang 5,000 sako ng hinihinalang smuggled na bigas sa Davao del Norte.
Tinatayang nasa P11 milyon ang kabuuang halaga ng naturang mga bigas.
Ayon kay Naval Forces-Eastern Mindanao deputy commander, Captain Jose Ma. Ambrosio Espeleta nakatanggap sila ng ulat na dadalhin ang mga ipinuslit na bigas mula sa Zamboanga City patungo sa isang pribadong pantalan sa Compostella Valley.
Hawak ang naturang impormasyon, sinalubong ng Task Force Seahawk ang M/L Sunlight sa 5 nautical miles silangan ng Island Garden City sa Samal.
Ani Espeleta, walang dokumentong naipakita ang crew ng naturang barko, dahilan para dalhin ito sa Panacan sa Davao City.
Ayon sa kapitan ng Sunlight na si Ahndun Amil, ihahatid nila ang karga nilang bigas sa isang Johak Sahid.
Dagdag pa ni Amil, ikalawang beses na nilang maghahatid ng bigas sa Maco, Compostella Valley; ang una ay noong Oktubre kung saan 7,000 sako naman ang kanilang dinala.
Inaalam na ng National Food Authority (NFA) at Bureau of Customs (BOC) kung saan nanggaling ang ipinuslit na bigas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.