Operasyon ng MRT-3, tuloy pa rin ayon sa DOTr

Magpapatuloy pa rin ang operasyon ng MRT-3 sa kabila ng pangamba kung ligtas pa ba ang train system na gamitin.

Ito ang inihayag ni Department of Transportation Assistant Sec. Elvira Medina sa isang panayam.

Ayon kay Medina, pinag-aaralan na nila ngayon ang mga problemang kinakaharap ng MRT at magsusumite sila ng rekomendasyon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.

Tiniyak ni Medina na magpapatuloy pa rin ng operasyon ng MRT sa kabila ng isasagawa nilang pag-aaral.

Bukod dito, sinabi ni Medina na mas magiging mahigpit ang DOTr sa pagpapatupad ng mga polisiya sa yellow lanes simula bukas, November 20, kung saan inaasahang mas titindi ang daloy ng trapiko dahil sa papalapit na holiday season.

Una nang kinuwestyon ni Sen. Grace Poe kung ligtas pa ba sa mga pasahero ang paggamit ng MRT at kung kinakailangan bang isara muna ito para ayusin.

Matatandaang noong Huwebes, hindi bababa sa 140 pasahero ng MRT ang inilikas matapos mahiwalay sa isa’t isang ang dalawang bagon.

Read more...