Hindi magiging madali para sa publiko ang mungkahing ipatigil ang operasyon ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3).
Ito ang naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque dahil aniya, maraming mga pasahero ang umaasa sa naturang mass transport system.
Ayon pa sa tagapagsalita ng pangulo, bagaman nakikita ng Malakanyang ang mga problemang nararanasan ng MRT ay hindi naman madaling opsyon ang pagpapasara nito.
Ang naturang pahayag ay inilabas matapos tangunin ni Senadora Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) kung kailangan na bang ipatigil muna ang MRT kasunod ng madalas na pagkakasira at pagkakaantala ng mga byahe nito.
Sinigurado ni Roque ang publiko na ginagawa ng DOTr maintenance team ang lahat para masiguro ang kaligtasan ng mga mananakay maging ng kabuuan ng MRT.
Aniya, pag-aaralan pa munang maigi kung kinakailangan ba talagang ipasara pa ang MRT para lang matugunan ang mga aberyang nararanasan nito.
Samantala, ayon naman kay MRT operations director Michael Capati, ligtas pa rin na sakyan ang mga tren ng MRT, bagaman kailangan munang paikliin ang operating hours nito.