Isang sundalo, pinatay ng NPA

Patay ang isang sundalo matapos itong barilin ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa Daraga, Albay.

Kinilala ang biktimang si Private First Class George Murillo, dalawamput pitong taong gulang na residente ng Barangay Cumadcad, sa Castilla, Sorsogon. Kabilang si Murillo sa Civil Military Operation team ng 901st Infantry Brigade na naka-base sa Barangay Villagermosa.

Ayon kay Albay Police Information Officer Senior Inspector Arthur Gomez, nasa palengke ng Barangay Ansilag si Murillo nang dumating ang mga rebelde at binaril ito sa ulo.

Sinasabing matapos barilin ang biktima ay tinangay ng mga rebelde ang pera at service firearm nito.

Samantala, naglabas naman ng pahayag ang NPA tungkol sa pagdakip nila sa dalawang pulis sa Placer, Surigao del Norte.

Ayon sa isang nagngangalang Oto ng NPA Front Committee 16, nasa kanilang puder at maayos ang kalagayan ni PO2 John Doverte at PO2 Alfredo Degamon.

Sa naturang pahayag, sinabi ng NPA na ang pagkidnap sa dalawang pulis ay bilang parusa sa mga elemento ng Placer Police Station na sila umanong pumatay sa isang Genesis Lebaste, at sa pagprotekta umano ng mga pulis sa mga nagbebenta ng droga sa lugar.

Ayon pa sa NPA, nangingikil umano ang mga pulis sa mga maliliit na minero at nagbebenta ng isda sa naturang bayan.

Read more...