DSWD: Rehabilitasyon ng Marawi, hindi kukuhanin ang pondo para sa Yolanda victims

By Justinne Punsalang November 19, 2017 - 01:10 AM

Sinigurado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kapwa magpapatuloy ang ayudang ibibigay sa mga nakaligtas sa pananalanta ni Supertyphoon Yolanda at sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Ang naturang pahayag ng kagawaran ay kasunod ng mga sinabi ng ilang mga opisyal ng pamahalaan na ilalaan ang hindi nagamit na P5 bilyong pondo sa muling pagbuo sa lungsod ng Marawi.

Kabilang sa mga nagsabi nito ay sina Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana at Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman.

Ayon kay DSWD Undersecretary Emmanuel Leyco, sa ngayon ay prayoridad nila ang Marawi. Ngunit hindi naman ito nangangahulugang pababayaan na ang mga biktima ng bagyong Yolanda.

Sinigurado rin ni Leyco na magpapatuloy ang ayudang ibinibigay ng DSWD sa mga Yolanda survivors, kabilang ang P10,000 hanggang P30,000 emergency shelter assistance at P5,000 Presidential Financial Assistance na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.

Sa huling tala, 211,670 pa na mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Yolanda ang hindi pa nakakatanggap ng ayuda.

Samantala, para naman sa ‘early recovery programs’ ng pamahalaan para sa Marawi City, DSWD rin ang may hawak nito.

TAGS: Department of Social Welfare and Development (DSWD), Marawi rehabilitation, Yolanda Rehab, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Marawi rehabilitation, Yolanda Rehab

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.