Nagpasabog sa Batasan, nahatulan na ng habambuhay na pagkakulong

By Kabie Aenlle November 18, 2017 - 04:42 AM

Nasintensyahan na ng habambuhay na pagkakakulong na walang tsansang mabigyan ng parole ang lalaking akusadong nagpasabog ng bomba sa House of Representatives, 10 taon na ang nakalipas.

Nahatulang guilty ang pangunahing suspek na si Iram Indama kahapon, dahil sa pagpapasabog na ikinasawi ng lima katao at ikinasugat naman ng 10 iba pa.

Ayon kay Quezon City Regional Trial Court Judge Ralph Lee, ang tanging pakay lang ni Indama sa kaniyang pagpapasabog ay para patayin si Rep. Wahab Akbar.

Si Indama ang nagmaneho ng motorsiklo at ipinarada malapit sa lobby ng South Wing ng Batasan complex noong November 13, 2007.

Sumabog ang bomba alas-8:00 ng gabi na ikinasawi ni Akbar at ng apat na iba pa.

Limang beses na umamin si Indama sa pamamagitan ng mga sinumpaang salaysay na siya nga ang gumawa ng krimen, ngunit kalaunan ay binawi ang mga ito at iginiit na pinilit lamang siyang gawin ito.

Gayunman, dahil detalyado ang mga ipinahayag ni Indama ay nakita ng hukom na sapat na ito para mahatulan siya sa nasabing krimen.

Samantala, kahit nahatulan na ang suspek, masama pa rin ang loob ng mga kaanak ng mga nasawi dahil hindi naman napanagot kung sino talaga ang utak sa likod ng nasabing krimen.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.