NoKor, ayaw makipag-negosasyon sa US tungkol sa nuclear weapons

(KRT via AP Video) NORTH KOREA OUT

Walang balak ang North Korea na makipag-negosasyon sa Amerika tungkol sa kanilang atomic weapons program.

Ito’y hangga’t nagpapatuloy pa rin ang joint military exercises sa pagitan ng Estados Unidos at ng South Korea.

Ayon kay North Korea’s ambassador to the United Nations Han Tae Song, ipinagkikibit-balikat lang nila ang sinasabi ni US President Donald Trump na panibagong sanctions na inihahanda ng kaniyang administrasyon laban sa Pyongyang.

Bukod dito, nabanggit din kasi ni Trump ang posibilidad na isama na ang North Korea sa listahan ng US ng mga estadong nagsusulong o sumusuporta sa terorismo.

Ayon kay Han, hangga’t nagpapatuloy ang aniya’t “hostile policy” laban sa kanilang bansa mula sa US at hangga’t hindi tumitigil ang war games malapit sa kanilang teritoryo, walang negosasyon o bilateral talks na mangyayari sa pagitan nila ng South Korea.

Gumagamit rin aniya ang dalawang bansa ng nuclear assets, aircraft carriers at strategic bombers sa military exercises laban sa kanilang bansa.

Samantala, sinabi rin ni Han na wala pa siyang alam na impormasyon tungkol sa kung kailan muling magsasagawa ng ballistic missile ang North Korea.

Gayunman, tiniyak niyang patuloy na palalakasin ng North Korea ang kanilang self-defense capability, dahil plano nilang maisakatuparan ang “ultimate completion” ng kanilang nuclear force.

Read more...