Mga nakumpiskang armas sa Maute terror group sa Marawi, gagawing artwork
Pinag-aaralan na ng Armed Forces of the Philippines o AFP na gawing “artwork” ang ilang armas na nakumpiska ng tropa ng pamahalaan mula sa kamay ng teroristang Maute group matapos ang limang buwang giyera sa Marawi City.
Ayon kay AFP spokesman Major General Restituto Padilla, gagawing artistic symbol ang mga baril at ilalagay sa ipatatayong memorial sa lugar.
Sisimbulo aniya ang artwork kung paano napagtagumpayan ng pwersa ng gobyerno ang terorismo sa Marawi City.
Samantala, sinisimulan na ng AFP ang proseso ng demilling sa mga nakumpiskang armas.
Pinaghati-hatian aniya ng iba’t ibang tanggapan ng AFP na may kinalaman sa tungkuling ito ang lahat ng nakuhang armas upang mapadali ang proseso.
Sa inisyal na hakbang, agad isinasalin sa documentation proceedings ang mga nakuhang armas.
Dito tinutukoy kung ang armas ay galing sa gobyerno o kung saan ito nag-originate at bawat isa ay may kaukulang report kung papano ito posibleng napunta sa mga terorista.
Pagkatapos nito ay isasalang na sa demilling o pagwasak ang mga armas na pwedeng padaanan sa pison, habang ang ibang parte ng armas na bakal at lubhang matigas ay kailangan pang idaan sa pagputol-putol.
Una rito, inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si AFP Chief-of-Staff General Rey Guerrero na magsagawa ng sermonya sa pagwasak ng mga baril ng Maute group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.