Walang magiging epekto sa kaso ng pagkamatay nina Kian delos Santos at Carl Angelo Arnaiz ang nangyaring sunog sa Caloocan City police station noong Lunes.
Ito ang tiniyak ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta, sa kabila ng pagkabahala ng ilan dahil sa pagkakadamay ng ilang bahagi ng nasabing himpilan ng pulisya na posibleng ikinasira ng mga dokumentong mahalaga sa mga kaso.
Ayon kay Acosta, masira man ang mga orihinal na dokumento, wala itong magiging epekto sa kaso dahil lahat naman ng mga ebidensya ay naisumite na sa Department of Justice (DOJ), National Police Commission (NAPOLCOM) at Philippine National Police (PNP).
Mayroon din aniyang certified at authenticated na kopya ng mga dokumento kaugnay sa mga kaso nina Delos Santos at Arnaiz.
Nanindigan rin si Acosta na matibay ang kanilang ebidensya laban sa mga dapat managot sa pagkamatay ng dalawang kabataan sa kamay umano ng mga pulis sa kasagsagan ng war on drugs ng PNP.