Desidido ang Land Transportation Office na patawan ng kaukulang parusa ang aktres at dating beauty queen na si Maria Isabel Lopez.
Ito’y kahit pa humarap na sa LTO at humingi na ng tawad ang aktres.
Palusot pa ni Lopez, ginamit niya ang ASEAN Lane bilang isang senior citizen, at hindi naman umano siya ang unang gumawa nito.
Ayon kay Francis Ray Almora, direktor ng Law Enforcement Service ng LTO, kailangan magsumite ni Lopez ng pormal na position paper ngayong araw.
Paliwanag ni Almora, hindi pwedeng verbal lamang at paulit-ulit ang narration ni Lopez.
Kabilang sa mga kinakaharap na kasong administratibo ni Lopez ay paglabag sa ADDA o Anti-Distracted Driving Act, Reckless Driving, Disregarding Traffic Signs, at Breach of Security Protocol.
Limang araw mula ngayon, maglalabas ng desisyon ang LTO kung tuluyan nang tatanggalan ng lisensya sa pagmamaneho si Lopez.
Sinabi pa ni Almora na wala sa tamang huwisyo si Lopez na magmaneho ng sasakyan dahil inilagay niya sa alanganin ang kaligtasan ng publiko at mga pag-aari ng gobyerno.
Matatandaang ipinagmalaki pa ni Lopez sa social media ang kanyang pagdaan sa ASEAN Lane habang naiipit sa matinding traffic ang maraming motorista noong Sabado.