SI BINAY, SI POE, AT SI ROXAS: TATSULOK NA LAMAN SA ELEKSIYON 2016 ni Arlyn dela Cruz

September 17, 2015 - 12:00 PM

for radyo inquirer columnBubusina na ako.

I am not for Binay.
I am not for Poe.
I am not for Roxas.

At kung tatakbo man yung ika-apat, I am not for Duterte too. I’ll take his word for it, hindi siya tatakbong pangulo.

Maagang deklarasyon, tutal maaga naman silang nangampanya. Isang boto lang naman ako, huwag mag-alala, wala namang epekto.

Isa-isahin natin.

Bakit hindi si Jejomar Binay bilang susunod na pangulo? Linawin natin. Ilatag natin.

Karanasan at kakayanan, angkin niya iyon, ibigay natin iyong positibong puntos sa kanya lalung-lalo na sa aspeto ng pamamalakad sa sangay ehekutibo. Ngunit ang positibong bagay ring ito na taglay ni Binay ang siya kong pinangangambahan: ang kanyang karanasan at ang kanyang kakayanan. Paano namang nangyaring nakababahala ang isang positibong bagay? Sabi ko nga, linawin, ilatag. So eto.

Ang isang pulitikong taga na sa panahon ay nakarating sa kanyang puwesto na isinaalang-alang na ang lahat ng bagay, kasama na ang iba’t ibang suporta ng magkakatunggaling interes na hindi nangangahulugang nakasandig sa interes ng bayan o ng mamamayan. Ang pulitikong kuwintas ang kakayanan at karanasan ay walang pasubaling umami ng tagumpay sa sistemang batbat ng kabulukan at kapaluan. Hindi naman tayo nagkaroon pa ng bagong pulitika kahit pa ang bilangan ay mula pa lamang sa sinasabing pagbangon ng demokrasya noong 1986. Pareho pa rin, nanatili ang patronage politics at ang mga baguhang pultiko noon, siya nang naging mga bagong dynasty ngayon

Umiiral sa poder ni Binay sa pananaw ko ang mga bagay na ito dahil sa kanyang kakayanan at karanasan bilang pulitiko. Baguhang pulitiko si Binay noon, dynasty ang pamilya niya ngayon.

Ikalawa, si Mar Roxas naman. Bakit hindi siya?

Dahil hindi akma ang layunin sa galaw at dahil sa hindi nagtutugma sa tingin ko ang ipinoporma sa tunay na damdamin at saloobin. Matagal ng nasa mata ng publiko si Roxas at sapat na panahon ito upang sana ay mailapit at mailapat niya ng husto ang kanyang hangaring maging pinakamataas na halal na pinuno ng bansa sa tunay na pangangailangan ng mamamayang nais niyang pangunahan at sa bansang nais niyang pamahalaan. Ang tunay na kampanya ay nagsisimula hindi sa panahon ng halalan kundi sa panahon na una kang humarap sa bayan bilang isang lingkod, halal man o hindi ang posisyon. Mahalaga para sa akin na ang namumuno ay tunay na nararamdaman at nauunawaan ang tunay na pangangailangan ng kanyang mamamayan at ng kanyang bansang pinamamahalaan o nais na pamahalaan. Nang sabihin niyang ipagpapatuloy niya ang uri ng pamumuno ng kasalukuyang pamahalaan, lalo akong naging kumbinsido, hindi nga niya nararamdaman ang tunay na naging damdamin ng higit na nakararami sa higit na limang taong nagdaan. Kung kumalas siya ng linya at iniharap ang sarili bilang ibang kandidato na titindig sa kanyang sariling merito at hindi tila anino lamang ng pagpapatuloy ng kasalukuyan, baka mag-iba ang pananaw ko.

At bakit hindi si Grace Poe na wala pang bahid ng usapin ng katiwalian at ng anumang kontrobersiya maliban sa mga ibinabatong isyu ng residency at nationality? Ilalatag ko, sa ganang akin.

Ang kanyang kawalan ng karanasan, ang kanyang kakulangan sa kahandaan, iyon ang malinaw na kahinaan ng napakalakas na kandidatong ito sa pangulihan sa susunod na taon. Oo, ang nakikitang pinakamalakas na kandidato ay may kahinaan din at ang kahinaang ito ang maaaring pinakamahalagang bagay para pamahalaan niya ang bansang nais niyang paglingkuran. Sa kanilang dalawa ni Senator Chiz Escudero, mas handa pa ang tatakbo niyang ikalawang pangulo. Hindi naman lihim na minsan ay sinipat na rin ni Senator Chiz ang pinakamataas na posisyon, kung karanasan at kakayanan, mayroon na siya nito. Kung silang dalawa ang mananalo, hindi malayong ang kanyang pamumuno ay naka-angkla din sa mga payo at gabay ng mas may karanasang si Escudero. We might as well elect Chiz direct to the presidency if the more experienced one will be only second in command to the a relatively inexperienced possible Chief Executive of the country. Kung naghintay pa ng ibayo pang panahon si Poe, mas magiging angkop ang kanyang layunin sa paglilingkod. Sa tingin ko, ang isa sa mga dahilan kung bakit ngayon niya piniling kagyat na tumakbo ay dahil sa ngayon siya pinaka-popular. Alam niyang madaling manalo kaysa maghintay sa hinaharap na wala pang kasiguruhan.

Parang ang labo ko naman, walang iboboto sa tatlo, walang pagpipilian? Is that my point? Maraming pagpipilian. Ang totoo, maraming karapat-dapat na mamuno sa bansa ngunit hindi sila kakandidato at hindi sila mananalo.

Isa kina Poe, Binay at Roxas ang ating magiging susunod na pangulo.

Sa pag-upo masusukat kung ang mga kalakasan at kahinaan ay lalapat ng tapat sa tiwalang iaatang sa balikat ng mamumuno sa ating bansa. Hindi man ako para sa isa man sa kanila, umaasam ako na kapag naupo na sila, babaguhin sila at yuyukod silang tunay hindi sa kataasan ng posisyon kundi sa kahalagahan ng poder na kanilang tatayuan.

Sana baguhin sila ng posisyong naghihintay. Ito ay nakalaan sa tunay na karapat-dapat.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.