Insurance para sa mga pasahero ng MRT tiniyak ng DOTr
Sinabi ni Transportation Usec. Cezar Chavez may P60 Million insurance fund sila para sa mga pasahero ng MRT 3.
Ito aniya ay maaring una nilang magagamit kay Angeline Fernando, ang babaeng naaksidente kahapon at naputulan ng braso sa MRT Ayala Station.
Sinabi pa ni Chavez na kung masasakop naman ng kanilang passenger insurance policy ay sasagutin na nila ang lahat ng gastos sa isinagawang operasyon para maibalik ang naputol na braso ni Angeline.
Ipinaliwanag rin ni Chavez ang aksidente sa Ayala MRT Station na kinasangkutan ni angeline, mula sa pagbaba nito ng bagon hanggang sa mahulog ito sa coupler o ang nagdudugtong sa dalawang bagon.
Sinabi rin ni Chavez na sa buong maghapon na biyahe ng mga tren ng MRT, araw-araw sa kalahating milyong pasahero may hanggang tatlong kaso na may nahihilong mananakay dahil sa siksikan ang mga pasahero, init at gutom.
Makaraan ang naganap na aksidente kahapon ay pinasuhan ng opisyal ang mga pasahero na maging maingat lalo na sa mga papalapit na tren sa mga istasyon.
Kasabay nito, sinabi ni Chavez na ikinukunsidera nila ang paglalagay na ng platform screen door sa mga istasyon ng tren.
Ang platform screen door ay magsisilbing harang sa mga pasahero na sasakay ng tren at otomatiko itong bubukas kapag ganap ng nakahinto ang tren.
Gayunman ay aminado ang opisyal na ito ay kailangan munang pag-aralan ng husto at asahan na rin ang abalang lilikhain ng paglalagay ng mga harang na ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.