5 ang patay sa pamamaril sa California
(UPDATE) Patay ang limang katao kabilang gunman sa insidente ng pamamaril sa Tehama County na isang rural area sa California.
Ayon kay Assistant Sheriff Phil Johnston nagsimula ang pamamaril sa isang bahay sa Tehama County at nagpatuloy sa Rancho Tehama Elementary School.
Maliban sa limang nasawi, mayroon pang pitong nasugatan kabilang ang tatlong menor de edad.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, may nakaaway muna ang suspek na tinatayang nasa edad 50 bago isinagawa ang pamamaril.
Nakuha sa lugar ang isang semi-automatic rifle at dalawang handguns.
Kwento ng isang residente, nakita niya ang suspek na bigla na lamang nagpaputok ng baril kung saan unang napatay ay isang babae.
Nasa loob aniya ng sasakyan at nagmamaneho ang suspek habang nagpapaputok ng baril.
Pinipili din ng suspek kung sino ang kanyang babarilin.
Nabatid naman na residente ng Tehama County ang gunman.
Ayon kay Johnston, nasa isandaang pulis ang rumesponde sa insidente, at agad inilikas ang mga estudyante sa ligtas na lugar.
Kabilang sa mga nasugatan at isang 6-year-old na estudyante na nagtamo ng dalawang gunshot wounds, at isa pang bata na nabaril naman sa kanyang hita.
Sa datos, 1,485 lang ang residente na naninirahan sa komunidad na pinangyarihan ng pamamaril at karamihan sa mga ito ay nagmamay-ari ng baril.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.