Base sa advisory na ipinalabas ng Manila International Airport, pasado alas-tres ng hapon nang umalis ang Air Force One lulan si United States President Donald Trump.
Hindi na dumalo si Trump sa 12st East Asia Summit at hindi na rin ito kasama sa closing ceremony ng ASEAN summit.
Sa halip, pinadalo na lamang si US Secretary of State Rex Tillerson.
Bago naman mag-alas singko ng hapon nang lumipad ang eroplanong sinasakyan ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang alas sais naman ng gabi nang iwan ni Russian Prime Minister Dmitry Medvedev ang bansa.
Samantala, ayon naman sa Civil Aviation Authority of the Philippines, ganap na alas-singko otso ng hapon nakalipad ang eroplano ni Brunei Sultan Hassanal Bolkiah.
Inihatid ang naturang lider ni Finance Secretary Carlos Dominguez III.
Si Australian Prime Minister Malcolm Turnbull naman ay nilisan ang bansa alas-siyete nuwebe ng gabi.
Matatandaan noong Lunes ay nauna na ngang umalis si Lao People’s Democratic Republic (PDR) Prime Minister Thongloun Sisoulith dahil mayroon state visitor ang kanyang bansa.
Inaasahan naman na mas maraming delegado ang aalis ngayong araw.
Nanatili namang normal ang operasyon sa NAIA sa kabila ng pag-alis ng mga world leaders.