Duterte, nainsulto sa pag-puna ni Trudeau sa umano’y extrajudicial killings
Itinuring ni Pangulong Rodrigo Duterte na “personal and official insult” ang pagpuna ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau sa dami ng mga nasawi dahil sa war on drugs ng pamahalaan.
Ayon kay Duterte, iginiit niya kay Trudeau sa kanilang bilateral meeting na hindi siya obligadong mag-paliwanag sa Canadian prime minister.
Dagdag pa ng pangulo, hindi niya hahayaang kwestyunin ng isang dayuhan ang mga umano’y human rights violations sa Pilipinas.
Aniya, siya ay inihalal ng mga Pilipino kaya sa mga Pilipino rin lang siya sasagot.
“You know, I was elected by the people of the Republic of the Philippines. I only answer to the people of the Republic of the Philippines,” ani Duterte.
Sinabi rin ng presidente, ang alam lang ni Trudeau ay ang mga tungkol sa umano’y extrajudicial killings, pero hindi naman ito nabigyang impormasyon tungkol sa detalye ng mga insidente.
Dapat aniyang bigyan ang Pilipinas ng “right to be heard” tungkol sa isyu.
Dahil dito, pinayuhan ni Duterte si Trudeau na huwag kumuha ng mga dokumento mula sa mga oposisyon at mga komunista dahil pawang “falsified” ang mga ito.
Hinimok rin niya si Trudeau na mag-imbestiga muna at alamin nang maigi ang mga insidente ng patayan.
Una nang ibinahagi ni Trudeau na ipinahayag niya ang kanilang pagkabahala sa mga umano’y isyu ng human rights, lalo na ang extrajudicial killings dito sa Pilipinas.
“I emphasized the people-to-people ties between Canada and the Philippines and the great connection there but I also mentioned human rights, the rule of law, specifically the extrajudicial killings being an issue Canada is concerned with,” ani Trudeau.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.