Walang banta ng tsunami sa bansa matapos ang malakas na lindol sa Chile-Phivolcs
Nagpalabas ng tsunami advisory ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) para abisuhan ang publiko na hindi dapat mabahala matapos ang malakas na lindol na tumama sa Chile.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, walang tsunami alert na nakataas saan mang bahagi ng bansa nang dahil sa lindol sa Chile na magnitude 8.3 ang lakas.
Sa halip sinabi ni Solidum na binabantayan ngayon ng Phivolcs ang sea level sa mga baybayin ng Pilipinas para malaman kung mayroong pagbabago sa susunod na 24 na oras.
Ang forecast aniya na pagtaas ng alon sa Pilipinas at iba pang lugar sa Asya gaya ng Taiwan ay nasa 0.3 meters lamang kaya hindi ito magiging makapaminsala.
“Ang ginagawa po ngayon ng Phivolcs ay sea level monitoring. Ang forecast sa atin at sa ibang lugar sa Asya like Taiwan ay less than 0.3 meters hindi na kataasan ‘yan at hindi delikado,” sinabi ni Solidum.
Nakasaad sa advisory ng Phivolcs na walang evacuation order na nakataas sa mga baybayin ng Pilipinas dahil sa nasabing lindol.
Pinapayuhan din ang mga coastal communities sa bahagi ng Pacific Ocean na magbantay at antabayanan ang mga ipalalabas na updates ng Phivolcs.
Partikular sa pinagbabantay ang mga residente sa Batanes Group of Islands, Cagayan, Ilocos Norte, Isabela, Quezon, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Sorsogon, Northern Samar, Eastern Samar, Leyte, southern Leyte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao del Sur, at Davao Occidental.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.