3 resolusyon ng GSIS, ipinawalang-bisa ng SC

 

Ipinawalang-bisa ng Korte Suprema ang tatlong resolusyon ng Government Service Insurance System (GSIS) na nag-aalis ng karapatan sa mga retiradong empleyado ng gobyerno na makuha nang buo ang kanilang retirement benefits.

Sa desisyon na nilagdaan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, hiniling din ng First Division ng korte sa Kongreso na humanap ng mga paraan para mapondohan ang P7 bilyong hindi nabayarang insurance premiums mga state employees sa GSIS mula pa July 1997 hanggang December 2010.

Hinimok din ng SC sa nasabing desisyon ang Office of the Ombudsman na kasuhan ang mga opisyal na dapat managot sa pagkakaantala ng mga remittance ng GSIS premiums ng libu-libong empleyado.

Samantala, “partially granted” na rin ng Korte Suprema ang petition for review on certiorari na inihain ng mga public school teachers na kumwesyon sa legalidad ng mga nasabing GSIS resolutions.

Ang mga nasabing resolusyon kasi ay nagpatupad ng premium-based policy, automatic policy loan at policy lapse, pati na claims and loans interdependency policy.

Iginiit ng mga petitioners na hindi ipinalathala ng GSIS ng nilalaman ng tatlong resolusyon sa isang dyaryo na may general circulation bago tuluyang ipinatupad.

Isinisi naman ng mga guro sa mga regulasyon ni dating GSIS president Winston Garcia noong 2002 ang lalo nilang pagdurusa dahil sa kabiguan ng Department of Education na mai-remit ang kanilang mga contributions sa oras.

Anila, awtomatikong kinakaltas sa kanilang buwanang sahod ang kanilang mga mandatory GSIS premiums.

“Partially” lang ang pahintulot na ibinigay ng korte sa kanila dahil tinanggihan naman nito ang hiling ng mga petitioners na atasan ang GSIS na i-refund ang mga kinaltas na claims at benefits ng mga retired employees sa kasagsagan ng pagpapatupad ng mga iligal na resolusyon.

Ayon sa korte, ang nasabing isyu ay dapat isulong sa executive department at hindi sa kanila.

Read more...