Tuluyang pagpapatupad ng RH law, pinaghahandaan na ng DOH at PopCom

By Kabie Aenlle November 14, 2017 - 12:44 AM

 

Nakatakda nang ipatupad nang tuluyan at buo ng Department of Health (DOH) at ng Commission on Population (PopCom) ang Reproductive Health law.

Ito’y matapos ideklara ng Food and Drug Administration (FDA) na non-abortifacient o hindi nagsasanhi ng abortion ang 51 contraceptive products.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, nakatuon sila sa tuluyang pagpapatupad ng nasabing batas upang maisulong ang mabuting kalusugan ng mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng access sa mga tamang serbisyo na makakatulong sa kanilang mga “family life aspirations.”

Tiniyak naman ni Duque na magiging patas at maayos ang pagpapatupad ng RH law na hindi magdudulot ng negatibong epekto sa kalusugan ng mga tao.

Positibo naman si Duque na makikipagtulungan ang buong public health care sector kabilang na ang iba pang mga kaukulang ahensya ng gobyerno, civil society at pribadong sektor sa maayos at agarang pagpapatupad ng programang ito.

Naniniwala kasi ang kalihim na mahalaga ito para mapabuti ang kalusugan ng mga kababaihan, mga kalalakihan, at kabataan.

Samantala, sinabi naman ni PopCom executive director Juan Antonio Perez III na maghahabol sila para magawa ang mga bagay na hindi nila magawa noon dahil sa restraining order ng Supreme Court sa mga contraceptives.

Ani pa Perez, dahil sa deklarasyon ng FDA, maari nang maialis ang TRO sa mga contraceptives at maari na ring bumili ang DOH ng mga kakailanganin para sa programa gamit ang 2017 budget ng kagawaran.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.