PNP: Mga ralyista ang dahilan ng gulo sa mga kilos-protesta sa ASEAN Summit

By Mark Makalalad November 13, 2017 - 03:06 PM

Photo: Mark Makalalad

Nanindigan ang Philippine National Police na ang mga militante ang nagpasiklab ng tensyon sa naganap na rally sa kasagsagan ng 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit.

Ayon kay Supt. Ronald Hipolito ng Joint Task Group Peace and Order, nambato ang ibang mga militante nang bigo nitong mabuwag ang barikada ng mga pulis at makapasok sa lugar kung saan isinasagawa ang pagpupulong ng mga world leaders.

Giit naman ni Police Chief Supt. Noel Baraceros, Operations Officer ng ASEAN Security Task Force, ‘trained’ ang mga pulis na sumalubong sa mga militante at ipinatupad ng mga ito ang maximum tolerance.

Sa katunayan nga raw ay nang agaw pa ang ilang militante ng mga shield, helmet at baton mula sa mga pulis.

Nitong Linggo, sa pagdating ni US President Donald Trump sa bansa, nagkagirian ang mga pulis at mga raliyista na kasapi sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Ilang mga ralyista ang nasakatan gayun rin sa panig ng mga pulis kung saan ay gumamit pa ng mga trak ng bumbero ang mga otoridad para maitaboy ang mga nagra-rally.

Nasundan pa ito ng panibagong gulo sa pagbubukas ng ASEAN Summit kaninang umaga pero pa ring makalapit ang mga militante sa labas ng Cultural Center of the Philippines.

TAGS: Asean, BAYAN, ccp complex, duterte, trump, U.S Embassy, Asean, BAYAN, ccp complex, duterte, trump, U.S Embassy

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.