“ANONG PAKE NATIN SA ASEAN SUMMIT?” – sa ‘WAG KANG PIKON ni JAKE MADERAZO
ITO marahil ang tanong ng maraming nata-traffic, absent sa trabaho at mga negosyanteng walang benta sa nagaganap ngayong ASEAN summit. Ano nga ba ang benepisyo sa Pilipino ng mga pulong na ito?
Sampung ASEAN members kasama na ang America, China, Russia, Europe at UN ang narito sa bansa para sumaksi sa resulta ng pulong ng ASEAN.
Tatlong isyu ang dedesisyunan: Una, ang problema ng North Korea; ikalawa ang sigalot sa South China sea; at ikatlo ang terorismo. Masasabing mga bagay na apektado tayong lahat.
Pero ang binabantayan ko rito ay ang tinatawag na ASEAN Economic Community 2025 (AEC) kung saan ang Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Brunei, Singapore, Myanmar, Cambodia, Laos, Thailand at Vietnam ay magkakaisang paunlarin ang buhay ng bawat 622 milyong mamamayan sa ASEAN na ngayo’y 7th largest economy sa mundo, at pangatlo sa Asya na merong $2.6 trilyong ekonomya.
At sa integration, magaganap dito ang tinatawag na “free flow of goods, services, investment, capital at skilled labor sa mga bansa. Tulad ng nangyayari ngayon sa European Union.
Natutuwa tayo rito dahil sa limang puntos. Una, mas gaganda ang kabuhayan natin dahil sa pagbukas ng kalakalan o “economic borders”.
Sa pagbaba ng mga taripa sa mga ASEAN products, magiging mas mura ang mga bilihin, lalaban ito sa mga lokal na produkto. At kapag naging mura, lalakas ang “purchasing power” ng pera natin at mas marami tayong mabibili.
Ikalawa, mas gaganda ang mga trabaho at kalidad ng buhay dahil maraming investors mula ASEAN ang magtatayo ng negosyo rito kasama na ang mga service providers, transport, health services at iba pa. Magiging mura ang serbisyo at dahil maraming negosyante, aangat ang buhay ng tao,
Ikatlo, ang “free flow of skilled labor” sa ASEAN ay mangangahulugan na pwedeng magtrabaho sa ibang bansa, kasama na ang mga professionals.
Maging OFWS ay magiging mas protektado. Doon naman sa mga estudyante, maari na silang mag-aral sa Thailand, Malaysia, Singapore o kahit sa Myanmar at Cambodia.
Bagay na lalong magbubukas sa kanilang kaisipan at kaalaman.
Pang-apat, siyempre mas magaan na “travel” sa mga ASEAN countries. Bukod sa magiging mura ang biyahe, mabubuksan sa mundo ang tinatawag nilang “Multi-nation experience” tulad ng nangyayari sa Europe kung saan lima hanggang 10 bansa ang pwedeng isama sa tour.
Dito sa ASEAN, magkakatotoo na iyan at lalong uunlad ang ating mga “tourist destinations”.
Ika-lima, magiging mas maunlad tayo dahil ASEAN citizens ang turingan ng ka-transaksyon natin sa Bangkok, Singapore, Malaysia, Brunei, Vietnam at iba pa.
Sa halip na kanya-kanyang national agenda, ang ASEAN ay bubuhatin ang bawat miyembro nito tungo sa tinatawag na “common regional good” upang makalaban tayo sa international trade at competitiveness, maritime economy at magtulungan sa “regional security” at pagbabawas sa “poverty levels” sa buong rehiyon.
Sa totoo lang, ang susunod na henerasyon ng Pilipino ang talagang makikinabang dito pagdating ng 2025 o walong taon mula ngayon.
At medyo lumiliwanag ang daan, dahil China, Amerika, Japan, Europe maging Canada at Australia, kasama ang UN ay atubili rin na matuloy ang ASEAN integration. Panahon na para guminhawa ang mga mamamayan ng ASEAN!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.