Isyu ng human rights, handang talakayin ni Duterte kay Trump ayon kay Cayetano
Walang magiging problema kay Pangulong Rodrigo Duterte kung mapag-uusapan nila ni US President Donald Trump ang tungkol sa isyu ng human rights sa kanilang magiging pagpupulong ngayong araw.
Ayon kay Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano, lagi namang bukas si Duterte sa pag-uusap tungkol sa mga isyu ng human rights.
Dagdag pa ni Cayetano, dati naman nang tinalakay ni Duterte ang usaping ito sa mga bumisitang opisyal ng Estados Unidos tulad na lang ni dating Secretary of State John Kerry.
Paglilinaw ni Cayetano, ang ayaw lang ng presidente ay ang pamumulitika sa isyung ito, pagiging “taken out of context” ng usapin at pagdidikta ng ibang bansa sa Pilipinas tungkol dito.
Samantala, inaasahan namang magiging produktibo ang pagpupulong ng dalawang lider mamaya lalo’t nakikitang magaan ang loob nina Trump at Duterte sa isa’t isa.
Naniniwala din si Cayetano na lalong mapapatibay ang ugnayan ng US at ng Pilipinas pagkatapos ng kanilang pag-uusap.
Ayon sa kalihim, tiyak na mapag-uusapan sa pulong ang pagpa-plantsa ng mga detalye sa kung anong aspeto ng relasyon ng dalawang bansa ang nangangailangang pagtibayin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.