Hindi bababa sa 400 bangkay ng mga sibilyan ang hinihinalang inilibing ng mga miyembro ng Islamic State sa nadiskubreng mga mass grave sa Kirkuk, Iraq.
Nadiskubre ang mga naturang mass grave sa Al-Bakara area, may tatlong kilometro ang layo sa hilagang bahagi ng syudad ng Hawija.
Ayon sa mga otoridad, matapos tipunin, isa isang pinatay ng ISIS ang mga sibilyan at doon na tinabunan ng lupa at inilibing.
Kwento pa ng ilang saksi sa karumal-dumal na mga pagpatay, makailang ulit nilang nasaksihan ang pagdating nga mga sasakyan na puno ng mga nakagapos na sibilyan sa lugar.
Ang mga saksi ang siyang nagturo sa mga sundalo sa lugar na kinaroroonan ng mass grave.
Nasa lima umano ang mass grave sa Al-Bakara area, ayon pa sa ilang saksi.
Taong 2014 nang makubkob ng ISIS ang Kirkuk, na syudad sa Iraq na mayaman sa langis.