Maria Isabel Lopez, nag-sorry sa pagdaan sa ASEAN lane
Humingi ng paumanhin ang aktres na si Maria Isabel Lopez matapos siyang makatanggap ng negatibong reaksyon mula sa mga netizens dahil sa kanyang pagdaan sa ASEAN lane, bagaman ipinagbabawal ito.
Ani Lopez, tatlong oras na kasi siyang na-stuck sa mabigat na daloy ng trapiko at kinailangan niyang magmadali dahil sa ‘call of nature.’
Pagkukwento ni Lopez, kinausap niya ang isang kawani ng MMDA para itanong kung pwede siyang dumaan sa ASEAN lane. Sinabi umano ng MMDA officer na hindi pwede dahil wala naman siyang pass.
Itinuro ni Lopez ang mga taxi, bus, at motorsiklo na nauna nang dumaan sa ASEAN lane ngunit hindi naman siya sinagot pa ng MMDA officer.
Matapos nito ay iniwan siya ng MMDA officer, dahilan para tanggalin mismo ni Lopez ang mga harang. Kasabay nito ang pagbubukas naman ng MMDA sa southbound lane.
Samantala, galit ang mga reaksyon ng mga netizens sa ipinost ni Lopez na video tungkol sa insidente.
Ayon sa ilang mga netizen, posible umanong lasing o lango ang aktres dahil sa kanyang ginawa.
Anila, maging ang ambulansya ay hindi pwedeng dumaan sa ASEAN lane, ngunit malakas ang loob ng aktres na dumaan dito.
Nagtaka pa nga ang ilan kung bakit tila proud pa ang aktres sa kanyang ginawa.
Habang ang iba naman ay sinuportahan ang suhestyon na suspendihin o kanselahin ang lisensya ni Lopez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.