Sen. Grace Poe, tatakbong pangulo sa 2016 Elections

By Chona Yu, Jen Cruz-Pastrana September 16, 2015 - 09:22 PM

Kuha ni Chona Yu

Pormal nang nagdeklara si Senator Grace Poe na tatakbo bilang presidente ng Pilipinas sa 2016 election.

Tumagal ng mahigit dalawampung minuto ang talumpati ng senador sa harap ng kanyang mga taga-suporta sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman.

Sa kanyang naging talumpati sinabi ni Poe na nais niyang ipagpatuloy ang mga nasimulan ng kanyang ama na si Fernando Poe Jr. lalo na sa mga mahihirap na mga Pilipino.

Mahalaga aniya sa isang mamumuno ang magkaroon ng isang pusong tapat upang labanan ang katiwalian sa bansa at ang lahat ay umangat na walang maiiwan.

Inilatag din ng senadora sa kanyang mga taga-suporta ang kanyang mga adhikain at mithiin kung saan sinabi niyang ang kanyang inpirasyon ay ang kanyang amang si FPJ.

Inisa-isa rin ni Poe ang mga sektor na kanyang naging inspirasyon upang ialay niya ang kanyang sarili sa mataas na paninilbihan.

Ang mga masisipag na Pilipino tulad ng mga magsasaka na maagang gumigising, mga mangingisda, mga call center agents, mga sundalo at pulis na nagsusumikap upang mabuhay at umunlad ang mga inspirasyon umano ng senadora.

Dalawampung mithiin at adhikain din ang kanyang inilatag para sa kanyang mga taga suporta.

Kabilang na rito ang pagpapalago sa sektor ng edukasyon, agrikultura, at imprastraktura.

Binigyang diin din ni Poe ang paglaban sa korupsyon at papanagutin ang mga tiwali kaibigan man o kaaway.

Nais din ni Poe na maisabatas na ang Freedom of Information bill o FOI.

Isinusulong din ni Poe na maibaba ang singil sa buwis sa bansa at taasan ang sweldo at benepisyo ng mga manggaagawa at ang ibaba ang singil sa kuryente, bigyan ng maayos na suporta ang mga OFW, labanan ang kriminalidad at droga.

Isinaad din sa plataporma ni Poe ang pagresolba sa ilang mga problema sa sektor ng kalusugan, ang isyu ng West Philippine Sea, problema sa traffic, hindi maayos na serbisyo sa internet, maayos na lagay ng sining at palakasan, usapin sa climate change, turismo at pagbibigay ng sapat na pagkain lalo na sa mga bata.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, sinambit ni Grace Poe ang mga katagang-“ Ako po si Grace Poe. Pilipino. Anak, asawa, at ina, at sa tulong ng Mahal na Diyos ay inaalay ko sa inyong lahat ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang inyong pangulo,” na ikinagalak ng mga tagasuporta nitong dumalo sa okasyon.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.