Trans-Pacific trade deal, magpapatuloy kahit hindi kasama ang Estados Unidos
Sa kagaganap lamang na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, napagkasunduan ng mga member countries ng Trans Pacific Partnership na ipagpatuloy ang free trade at ‘closer regional ties’ kahit na hindi kasama ang Estados Unidos.
Matatandaang isinulong ni US President Donald Trump ang ‘America First’ policy dahil aniya, ito ang makakatulong mapanatili ang mga trabaho sa loob ng kanilang bansa. Ngunit hindi naman dito sumang-ayon ang karamihan sa mga member countries ng APEC.
Ayon sa mga lider na dumalo sa naturang forum, muli silang nandigan na labanan ang protectionism at lahat ng hindi makatarungang trade practices.
Ipinakita rin nila ang kanilang pagsuporta sa mga multi-country institutions, regional, at country-to-country na mga trade agreement.
Naging problema ang hindi pagsali ng Estados Unidos sa naturang trade deal ngunit ginawan ito ng paraan ng mga trade ministers sa pamamagitan ng paglalabas ng preliminary deal, kung saan isasaayos pa ang mga detalye sa mga susunod na panahon.
Ayon naman kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau, kinakailangan din na pagtuunan ng pansin ang ilang mga isyu kagaya ng environmental protection, labor rights, gender issue, at auto industry.
Samantala, ilan pa sa mga nauang pinag-usapan sa ginanap na APEC Summit ang pagsasaayos ng food security, pagsigurado na pantay na matatamo ang mga benepisyo ng economic growth, pagiging business-friendly ng bawat isang member country, at mga hakbangin patungkol sa climate change.
Sa ngayon, tatawagin nang Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership, o CPTPP ang naturang trade agreement na kinabibilangan ng mga bansang Australia, Brunei, Canada, Chile, Japan, Malaysia, Mexico, New Zealand, Peru, Singapore, at Vietnam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.