Maximum tolerance sa mga rally sa ASEAN Summit tiniyak ng MPD

Radyo Inquirer

Magpapatupad ng ‘maximum tolerance’ ang Manila Police District kontra mga militanteng grupo na magra-rally kasabay ng ASEAN Summit.

Ayon kay Police Supt. Edwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD, iginagalang nila ang karapatan ng mga raliyista na magpahayag ng kanilang saloobin at kanilang freedom of assembly.

Pero paliwanag ni Margarejo, kung magkakaroon ng paglabag sa batas ang mga raliyista ay hindi sila magdadalawang isip na arestuhin ang mga ito.

Hindi rin papayagan ang anumang uri ng kilos-protesta malapit sa U.S Embassy at sa mga lugar na pagdarausan ng mga magpupulong kaugnay sa ASEAN Summit.

Ayon kay Margarejo, mangingibabaw pa rin ang mandato ng Philippine National Police na paglingkuran at protektahan ang publiko.

Handa na rin umano ang mga miyembro ng MPD na magbantay at bigyang seguridad ang mga delegado na dadalo sa 50th ASEAN Summit na magsisimula sa Lunes.

Kanina, pasado alas-onse ng umaga, sumugod ang mga militanteng grupo at ilang mga katutubo mula Mindanao at nagkaroon ng girian, pero nanatiling kalmado at kontrolado ng mga pulis ang sitwasyon.

Nagbanta ang nasabing grupo na muli nilang susubuking makalapit sa U.S Embassy sa mga susunod na araw para ipakita ang disgust sa pagpunta sa bansa ni U.S President Donald Trump.

Read more...