Nakatakdang tumungo si Australian Prime Minister Malcolm Turnbull sa headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo sa susunod na linggo.
Ito ay bahagi ng side trips ng world leader sa kanyang pagdalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa bansa.
Bibisitahin ni Turnbull ang 90 miyembro ng Australian Defense Force (ADF) na ipinadala sa Pilipinas upang tumulong sa pagsasanay ng mga sundalong Filipino para sa urban warfare at counter-terrorism techniques.
Mula Setyembre ay tumutulong na ang Australia sa AFP para sa pagpapabagsak sa ISIS-liked Maute group sa Marawi City.
Sasamahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at iba pang matataas na opisyal ng AFP ang lider sa kanyang pagbisita sa headquarters.
Lumagda ang Pilipinas at Australia sa Defense Cooperation Program (DCP) na layong tulungan ng dalawang bansa ang isa’t isa para sa military support, intelligence sharing at pagbabahaginan ng miyembro.
Tinatayang nasa 20 mamamahayag mula Australia ang magcocover ng pagbisita ng opisyal sa AFP at inaasahan ding haharap ito sa local media.