Suspendido na, wala pang bonus.
Ito ang banta ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde sa mga pulis na magpapaka-petiks o hindi gagawin nang maayos ang kanilang mga trabaho sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit.
Ayon kay Albayalde, kahit unang beses pa lang na masita ay maari nang mapagalitan o kaya ay masuspinde ang pulis sa loob ng pito o 15 na araw.
Kung masususpinde aniya ang mga ito, mangangahulugan ito na mawawalan din sila ng bonus.
Inilabas ni Albayalde ang babalang ito matapos niyang mahuli ang ilang mga pulis na patambay-tambay lang at panay ang gamit ng cellphonehabang siya ay nag-iinspeksyon sa paghahanda seguridad ng ASEAN summit.
Tatlong pulis ang napagalitan ni Albayalde dahil sa paggamit ng cellphone habang nasa duty.
Samantala, kasama sa mga paalala ng Philippine National Police (PNP) sa mga pulis na magbabantay sa ASEAN summit ay iwasan muna ang paggamit ng social media sa kasagsagan ng kanilang deployment.