Suspek sa pagpatay sa babaeng negosyante sa Parañaque, nagpakamatay

By Kabie Aenlle November 11, 2017 - 05:38 AM

Nagpakamatay ang lalaking pinaghahanap ng mga pulis dahil sa pagpatay sa kaniyang amo at sinasabing kasintahan na babaeng negosyante sa Parañaque City.

Ang suspek na kinilalang si Edwin Casas ay huling namataang pumasok sa isang mall dakong hapon ng Huwebes ayon sa ulat ng pulisya ng Cainta, Rizal.

Si Casas ang hinihinalang pumatay sa ipinagmamaneho niyang negosyante na si Menchie Modesto sa loob mismo ng kaniyang kwarto sa BF Homes, Parañaque City noong Miyerkules.

Ayon pa sa mga pulis, nang pumasok si Casas sa loob ng mall ay dumiretso ito sa ikalawang palapag ng parking area at saka tumalon.

Dahil sa ginawang pagpapakamatay ni Casas, lalong tumibay ang hinuha ng mga pulis na “crime of passion” ang nangyari, lalo’t una nang pinaghinalaang selos ang dahilan kung bakit inundayan ni Casas ng 15 saksak sa katawan si Modesto.

Matatandaang nakita pa sa CCTV sa bahay ni Modesto ang pagtutulog-tulugan ni Casas habang hinihintay na mawalan ng tao sa bahay bago niya pasukin ang kwarto ng biktima kung saan niya ito pinatay.

Inabot ng 10 oras bago pinilit buksan ng kaniyang anak ang kwarto ni Modesto dahil hindi ito sumasagot sa kaniyang mga tawag, at doon na nakita ang nakahandusay na duguang bangkay ng biktima.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.