Aquino: Nagsinungaling sa akin si Napeñas

By Kabie Aenlle November 11, 2017 - 05:31 AM

Nanindigan si dating Pangulong Benigno Aquino III na lahat ng mga iniutos niya kay dating Special Action Force (SAF) chief Getulio Napeñas kaugnay ng Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao ay pawang “logical” at “legal” lamang.

Sa kaniyang pagharap sa media kahapon, sinisi ni Aquino si Napeñas sa paglalagay sa alanganin ng buhay ng mga SAF commandos sa isa aniyang “suicide” operation.

Iginiit pa ni Aquino na nagsinungaling sa kaniya si Napeñas nang mangako itong 160 na tauhan ng Seaborne company ng SAF ang kaniyang ide-deploy, gayong 75 lang pala ang tauhang mayroon siya.

Pinangunahan ng 37 na miyembro ng Seaborne ang pag-atake laban sa Malaysian terrorist na si Zulkifli bin-Hir alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao na kaniyang ikinasawi.

Galit na sinabi ni Aquino na iniangat niya sa pwesto si Napeñas ngunit niloko lang siya nito.

“Pinromote kita, second star, at ang sukli mo bobolahin mo ako?” ani Aquino.

Ikinwento pa ni Aquino na noong iprinisinta ni Napeñas sa kaniya ang plano, nagbabala na agad siya na baka may maganap na “pintakasi” o mapagtulungan ang pwersa ng gobyerno dahil tinatayang nasa 3,400 na armadong kalaban ang nasa lugar ng operasyon.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit paulit-ulit niyang sinabihan si Napeñas na makipag-ugnayan muna sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bago isagawa ang operasyon.

Una nang sinabi ni Napeñas sa kaniyang mga naging pahayag na sa mismong araw na ng operasyon niya sinabihan ang AFP tungkol dito upang hindi makompromiso ang mga plano.

Dagdag pa ni Aquino, ipinagtataka niya kung ano ang nagtulak kay Napeñas para ituloy ito sa kabila ng pagiging “suicidal” ng nasabing misyon.

Marami aniya ang nagsasabi na baka ito ay dahil sa reward sa pagpatay kay Marwan, o kaya ay para sa inaasahan niyang matatanggap na parangal bago siya magretiro.

Muling iginiit ni Aquino na pinagkatiwalaan niya si Napeñas at wala siyang iniutos na anumang iligal dito.

Samantala, pinag-iisipan pa naman ng dating pangulo kung magsasampa pa siya ng kaso laban sa dating SAF chief, dahil inaalam pa niya kung ito’y para sa pansariling interes lamang o para sa interes ng bansa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.