Malakanyang, tikom ang bibig sa panawagan kay Trump na ungkatin ang isyu ng human rights kay Duterte
Dumistansya ang Palasyo ng Malakanyang sa hiling nina US Congressmen Randy Hultgren at James McGovern kay US President Donald Trump na ungkatin kay Pangulong Rodrigo Duterte ang usapin ng human rights sa oras na magkita ang dalawang lider sa ASEAN summit na gaganapin sa Pilipinas sa susunod na linggo.
Ayon kay Presdienial Spokesman Harry Roque, panloob na usapin ng Amerika ang naturang isyu at mas makabubuting hindi na magkomento ang Pilipinas.
Giit pa ni Roque, maganda ang pagkakaibigan nina Duterte at Trump at kapwa prangka sa mga isyu na pareho nilang pinagkakainteresan.
Binigyang diin pa ni Roque na committed ang Pilipinas na pangalagaan ang karapatang pantao ng bawat isa at katunayan may ginagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad maging ang Kongreso sa alegasyon na nauwi na umano sa extrajudicial killings ang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga ni Pangulong Duterte.
Base sa liham nina Hultgren at McGovern na co-chairs ng Tom Lantos Human Rights Commission, hinihimok ng mga ito si Trump na ipaabot kay Duterte ang pagkabahala ng Amerika sa nagaganap na EJK sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.