Kasong administratibo ang kahaharapin ng dalawang pulis na suspek sa “cat calling” sa isang dalaga, sa Quezon City.
Sa isang press conference, sinabi ni Quezon City Police District o QCPD Chief Guillermo Eleazar na kasong conduct of unbecoming of a police officer ang isinampa laban kina P02 Rick Lopez Taguilan at P01 Domingo Nagales Cena.
Ang dalawang pulis ay kinilala mismo ng biktima si “Zandy.”
Ayon kay Eleazar, ang dalawang pulis ay lumabag din sa City Ordinance 2501 ng Quezon City o anti-harassment ordinance, na nagbabawal sa pambabastos, paninipol o iba pang uri ng harassment sa mga kababaihan.
Ani Eleazar, sina Taguilan at Cena ay sakay ng QCPD mobile unit 235 mula Police Station 8, noong November 2 dakong alas-10:30 ng gabi kung kailan naganap ang cat calling incident.
Nahagip ng CCTV ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang patrol car ng mga pulis, na nagtutugma sa kwento ng biktima.
Ipinakita ni Eleazar sa presscon ang larawan ng mga pulis na suspek
Sinabi nito na hindi rin lusot ang patrol supervisor na si SPO1 Ariel Camiling na mahaharap naman sa kasong dishonesty dahil pinagtakpan ang dalawang pulis.
Kinumpirma rin ni Eleazar na ni-relieve na niya sa pwesto ang 3 pulis.
Sana raw ay nagsilbi itong babala sa mga pulis, maging sa iba pang kalalakihan, at tandaan na “magastos ang pambabastos” dahil sa multang babayaran at kahihiyan.
Ayon naman kay Zandy, labis siyang natakot dahil wala siyang kasama nang mangyari ang cat calling incident, at pangalawa mga pulis ang gumawa noon sa kanya.
Payo niya sa mga kababaihan, huwag palagpasin ang anumang pambabastos, at mainam na magsumbong sa mga otoridad.