MMDA bus na nag-alok ng libreng sakay sa mga pasahero ng MRT, na-traffic sa EDSA

Inquirer Photo | Dexter Cabalza

Mula sa 30-minutong inaasahang biyahe simula North Avenue sa Quezon City hanggang Ayala sa Makati City, inabot ng mahigit isang oras ang biyahe ng bus na nagkaloob ng libreng sakay sa mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT).

Ang libreng sakay sa P2P bus ay bahagi ng “Alalay sa MRT3” na bagong proyekto ng MMDA para matulungan ang mga pasahero na ayaw pumila ng matagal sa tren kapag rush hour.

Apat na P2P bus ang magbibigay ng libreng sakay na bus lane lamang ang daraanan at may escort pa na mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) gumagamit ng sirena, kaya sa inisyal na target ng MMDA, 30-minuto lamang ang itatagal ng biyahe mula sa MRT North Avenue station hanggang sa MRT Ayala station.

Sa isinagawang dry run ng MMDA, alas 7:15 ng umaga umalis ang unang P2P bus sa bahagi ng North Avenue station at inaasahan sanang dadating sa Ayala station alas 7:45 ng umaga.

Gayunman, alas 7:30 na ng umaga, nasa bahagi pa lang ng EDSA-Kamuning ang bus at naipit sa traffic kahit pa may-escort ito na mga hagad ng Highway Patrol Group (HPG).

Alas 7:40 naman ng umaga, dumaan sa Araneta Center Cubao tunnel ang P2P bus, dahil ayon sa MMDA, masyado nang matraffic sa yellow lane ng EDSA-Cubao.

Doon ay muling na-traffic ang bus at used pagong hanggang sa bahagi ng EDSA-P.Tuazon.

Alas 8:05 ng umaga, naipit muli sa traffic sa EDSA-Ortigas ang bus kahit pa gumagamit na ng sirena ang mga escort nitong HPG.

Alas 8:12 ng umaga nang dumating ang bus sa unang drop off point nito sa MRT Ortigas station at alas 8:30 na ng umaga nang dumating sa Ayala station o inabot ng isa at labinglimang minuto ang kabuuan ng biyahe.

Plano ng MMDA na bukas, araw ng Biyernes, pormal nang simulan ang regular implementation ng “Alalay sa MRT3”.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...