Dagdag na P14.5-B pondo para sa Marawi rehab, inaprubahan na ng pangulo

By Kabie Aenlle November 09, 2017 - 03:41 AM

Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karagdagang P14.5 bilyong halaga ng pondo na gagamitin para sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Ayon kay Budget Sec. Benjamin Diokno, inaprubahan ng pangulo ang augmentation sa fiscal year 2017 ng National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund noong October 30.

Dahil dito, inaasahan na ang mga ahensya na magsumite ng kani-kanbilang mga budget execution documents upang masuportahan ang paglalabas ng nasabing mga pondo.

Partikular aniyang kakailanganin ang mga ito para sa pre-post conflict needs assessment para sa mga pangangailangang may kaugnayan sa pagpapabahay, pangkalusugan at social welfare, negosyo at pangkabuhayan, pangkapayapaan at kaayusan, pati na sa information management at strategic communication support.

Samantala, ibinahagi rin ni Diokno na nailabas na ng Department of Budget and Management ngayong linggo ang nasa P3 bilyong halaga ng pondo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Gagamitin ito hindi lang para sa relief operations kundi para na rin sa cash-for-work program kung saan mismong mga residente ng Marawi ang aaluking magtrabaho para sa reconstruction at rehabilitation work sa kanilang lungsod.

Tumanggap na rin ng P195 milyon ang Department of Public Works and Highways para sa quick response, pati na rin sa pagtatayo ng mga transitional shelters at evacuation centers.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.