“Nilagay kita dyan hindi para magpa-interview sa press…nilagay kita dyan para sabihin sa akin ang dapat gawin sa problema sa droga”.
Yan ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nagbitiw sa pwesto na dating Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Dionisio Santiago.
Sa kanyang departure press conference bago tumulac patungo sa APEC Summit sa Da Nang, Vietnam ay inamin ng pangulo na nadismaya siya sa mga naging puna ni Santiago sa war on drugs campaign ng pamahalaan.
“Kung may problema siyang nakikita dapat ay kinausap niya ako ng direkta”, ayon pa kay Duterte.
Sinabi rin ng pangulo na inaasahan niyang magiging maayos sa trabaho si Santiago dahil naging pinuno siya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa nakalipas na administrasyon.
Kung dati umano ay ipinakita ni Santiago ang kanyang tapang lalo na sa kanyang mga tauhan na sangkot sa iligal na droga dapat ayon kay Duterte ay ipinagpatuloy niya ito bilang pinuno ng DDB.
Sa kanyang pagbabalik mula sa APEC Summit ay pipili ang pangulo ng magiging permanenting pinuno ng pwesto na iniwan ng dating heneral.