Mag-asawang Korean na nakapasok sa bansa, hindi nag-positibo sa Mers-Cov

June 10, 2015 - 03:24 AM

NAIA screening pix via dot net
Kuha ni Jeannette Andrade ng Philippine Daily Inquirer

Hindi dapat ikabahala ng publiko ang kumpirmasyong nakapasok sa bansa na mag-asawang South Korean na kapwa high risks sa Middle East Respiratory Syndrom Coronavirus o Mers-Cov.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Department of Health (DOH) Sec. Janette Garin na ang mag-asawang Koreans ay hindi naman nag-positibo sa Mers-Cov.

Maliban dito, hindi rin sila nagpakita ng sintomas ng nasabing sakit hanggang sa sila ay makalabas ng bansa.

Tiniyak naman ni Garin na matinding pag-iingat na ang ginagawa ng Pamahalaan para maiwasang magkaroon ng Mers-Cov case sa Pilipinas.

“Negatibo po ang mag-asawa sa Mers, hindi po sila nag-positibo at wala po silang sintomas. Ang Mers-Cov naman po ay hindi airborne,” ayon kay Garin.

Umapela rin si Garin sa publiko lalo na sa mga galing sa ibang bansa at bumabalik ng Pilipinas na maging tapat sa pagdedeklara ng kanilang health condition.

Sinabi ni Garin na may pinapalagdaang papel sa mga dumarating na pasahero kung saan kailangan nilang isulat ng tama at totoo ang mga hinihinging impormasyon lalo na ang address at contact number.

Ang mga impormasyon kasi aniyang isinusulat ang gagamitin ng DOH para mahanap ang isang pasahero sakaling kailanganin nilang magsagawa ng “contact tracing”.

“May papel na ibinibigay sa mga pasahero na dumadating, iyon ang nagsisilbing guide ng DOH para sa contact tracing. Kapag may nagdeklara na masama ang pakiramdam nila agad silang sinusuri,” dagdag pa ni Garin./ Dona Dominguez-Cargullo

TAGS: doh, mers-cov, doh, mers-cov

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.